Kalagitnaan pa lang ng taong 2019, sinusubukan ko nang yayain ang lahat ng aking mga kasamahan sa trabaho na unti-unti nang pag-aralan na makapagturo online. Napapabilang kasi ang aming institusyon bilang isang pribadong paaralan na nakarehistro ang mga programa sa Technical Education & Skills Development Authority (TESDA), isang ahensya ng pamahalaan na sumusubaybay sa mga institusyon na nagsasagawa ng mga teknikal na pagsasanay, at karamihan ng aming mga programa ay pagsasanay sa mga kursong pang turismo.
Bilang administrador at trainer ng institusyon, lubos ang kagustuhan kong makilala at makasanayan ang mga aplikasyon na ginagamit online sapagkat naniniwala ako na dadating ang panahon na madami sa pang-araw araw nating pangangailangan ay gagamit na ng mga makabagong digital technology. Ngunit sa kabila ng lahat ng kagustuhang ito ay natatakot ako dahil maaaring hindi na ako makasabay sa mga batang milenyo at lubos na mapagtanto ko na labis na akong napag-iwanan ng panahon.
Sa dami ng obligasyon bilang administrador, trainer, isama na rin natin ang pagtulong sa aktwal na operasyon ng isang kilalang hotel, hindi naging madali para sa akin ang pagkakaroon ng lockdown dahil sa isang di inaasahang pandemya.
Madaming tanong ang biglang lumalabas sa isip ko…
- Kung itutuloy ko pa ba ang operasyon ng aming eskwelahan, gayong nakakuha na ako ng abiso mula sa namumuno sa aming kumpanya na pansamantala munang ititigil ang pagpasok ng lahat ng empleyado sa kadahilanan na pinarating ng gobyerno ang kanilang pag-uutos na kinakailangan nang itigil ang lahat ng operasyon na may kinalaman sa edukasyon.
- Kung sakaling makumbinsi ko ang mga namumuno na ituloy ang operasyon sa pamamagitan ng online training, kaya ko ba ito gawing mag-isa?
- Madali lamang ba ang transisyon mula sa tradisyonal na paraan ng pagtuturo patungo sa makabagong technical na paraan?
- May makukuha ba akong merkado o mga mag-aaral na magiging interesado at magnanais na mag-enrol at dumaan ng pagsasanay online?
- Paano ko ito ipapakilala at ipapatangkilik sa mga tao? Maliban sa hindi ako isang eksperto sa pag-sulong ng mga stratehiya ng pagpapakilala ng mga bagong produkto o kurso na maaari naming buksan bukod pa sa naiisip ko rin na maliit lang ang porsyento ng bilang ng mga tao na may mga kakayahan sa aming probinsya na kumuha ng maayos na koneksyon ng internet, may computer sa bahay at may pangangailangan sa kung ano man ang iaalok ko.
Kinakailangan kong gumawa ng bagong sistema. Isang sistema na di karaniwang ginagawa ng aming institusyon. Kinakailangan kong paghandaan mula sa mga e-learning materials na gagamitin ko sa pagtuturo kung sakali, pagkilala sa mga bagong aplikasyon na ginagamit online, hanggang sa pagtuturo sa mga trainer na maging bihasa at sa paggamit ng iba’t ibang online na aplikasyon na ito.
Parang imposible. Isang umaga, pinatawag ako ng may-ari ng kumpanya at tinanong nya ako ng kung ano na ang aking plano para sa operasyon ng eskwelahan. Sinabi ko ang aking hangarin na ituloy ang operasyon sa pamamagitan ng pagsubok na pagsasagawa ng mga online training. Habang sinasabi ko ang kabuuan ng plano, nakikita ko ang lubos niyang paniniwala na magagawa ko ang lahat ng inilalahad kong mga plano. Sinabi din nya na may potensyal ang mga ito kaya handa siyang susuportahan ito sa anumang paraan na makakayanan niya. Isang magandang balita.
Pinaghalong saya at kaba ang naramdaman ko dahil, nakita din nya mula sa aking pahayag ang ilan pang magagandang posibilidad na maaari naming paghandaan habang lockdown. Natatakot ako sa pag-aalanganin kung ito nga ba ay isang magiging matagumpay na pagsubok at dahil ngayon pa lamang naming susubukang gawin ang ganito.
Kinailangan ko na itong simulan at inuna kong lapitan ang mga dating mga mag-aaral na nakapag tapos na ng kanilang mga kurso sa aming paaralan. Sinimulan ko ito sa pagkamusta sa iba’t-ibang mga grupo na kinabibilangan ko sa social media. Nagtanong ako at nanghingi ng mga opinyon at nakiramdam sa kanilang mga palagay. Hanggang sa dumating na ang araw ng aking pagsubok ng pag-anunsyo tungkol sa online training na sisimulan ng aming paaralan.
Gumawa ako ng isang paraan na sila ay makakapag-register o makapagpalista mula sa tradisyonal na on site enrolment tungo sa paggamit ng Google Forms at ginawa ko itong kumbinyente para sa kanila. Laking gulat ko nang higit sa bilang ng aking inaasahan ang nagpalista sa unang kurso na inalok ko. Bahagya akong nag-alinlangan at kinailangan kong gumawa ng paraan na ito ay siguraduhin o makumpirma.
Sinubukan kong mag-alok muli ng panibagong online training at sinundan ang parehong paraan para sa isa pang kurso. Nagulat akong muli sa bilang ng mga nagresponde at nagtangkilik. Gaya nung una, ito ay higit pa sa aking inasahan.
Paulit-ulit kong inisip kung bakit ito nagiging madali samantalang unang pagkakataon pa lamang namin itong sinubukan. Hanggang sa umabot ako sa pagtanto na…
Hindi ko kinakailangan maging isang eksperto sa larangan ng marketing o sales o isang magaling na negosyante para isagawa ang isang bagay na tulad nito.
Kung bakit naging madali ito para sa amin kahit na sa unang pagsubok pa lamang ay sa kadahilanang nagawa namin na makisama at makitungo ng maayos sa lahat ng aming estudyante na nakapagtapos. Sinigurado namin ang pagkakaroon nila ng isang magandang karanasan nung habang sila ay nagte-training pa. Nakapagbigay kami ng malaking kahulugan at halaga sa kanilang mga naging pagsasanay at dahilan ito kung bakit naabot na nila ang kanilang mga munting pangarap at unti-unti nang umaangat ang estado ng kanilang mga buhay.
Sa kanilang mga salita nagmula ang pagtitiwala ng karamihan sa mga nagpalista. Ibinahagi nila ang kanilang naging maganda, makabuluhan at masayang karanasan nung sila ay nasa training pa. Ibinahagi nila ng walang pag-aalinlangan ang kalidad ng pagtuturo na nasaksihan nila. Ibinahagi nila ang malinis na intensyon ng institusyon sa lahat ng nagsasanay dito. Nag-training sila sa isang kumbinyente at magagandang pasilidad na nagtulak sa kanila upang lubusang ganahan sa pagsasanay.
Sila palang mga nakapagtapos ang kasagutan at di inaasahang tutulong sa amin upang makita at makuha namin ang atensyon ng tamang market.
Ang pagkakaroon at pagpapanatili namin ng magandang relasyon hanggang sa mga oras na ito ang nagtulak ng kusa sa bawat estudyante na nakapagtapos na bigyang patotoo ang pagkakaroon ng isang magandang integridad ng aming institusyon sampu ng mga tagapamahala at mga trainer nito.
Matapos ang pag-register nila online, sunod ko naman inisip kung paano ako makakapagturo. Dahil sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) hindi ko na maaaring gawin ang face to face training kaya kinailangan ko na aralin ang paggamit ng Google Hangouts kung saan sabay-sabay ko silang natuturuan at nakakapag-share ako ng mga lectures sa screen.
Para sa kanilang mga activities, kinailangan naming aralin na gumamit ng Trello para mai-delegate ng maayos ang mga task assignment at ma-meet ang mga deadlines.
Mula sa tradisyonal na pagpo-post sa bulletin board ng mga schedule ay kinakailangan na naming gumamit ng Google Calendar.
Sa mga panahong ito, kinakailangan ko na lamang dagdagan ang aking kaalaman sa paggamit ng iba’t-iba pang online tools na kakailanganin ko sa pagtuturo. Wala na kong kinakailangang baguhin sa content ng aming ituturo sapagkat napatunayan na namin na ito ay epektibo at sapat. Kinakailangan ko lamang ito gawin online. Napagtanto ko rin na buksan pa rin ang pintuan sa marami pang posibilidad sa pakikipagtulungan sa ibang ahensya upang mas maging matagumpay. Sa aking realisasyon, ang pagkakaroon ng tamang kaisipan o mindset ang pinakamagandang kasagutan.
Kung sakaling matapos na ang lockdown, isa sa pinakamagandang maidudulot nito sa aming institusyon ang ay pagkakaroon ng panibagong pamamaraan ng pagtuturo sa pamamagitan ng online training kasabay ng tradisyonal na paraan.
Inuulit ko po, ako ay isang trainer at administrator ng aming eskwelahan. Hindi po ako marketing expert pero ito ang isang bagay na napatunayan ko: Marketing is about building relationships and establishing trust.